Sabado, Setyembre 5, 2009

I. Paglalatag ng Plano


KABANATA I.
PAGLALATAG NG PLANO
isinalin ni Gregorio V. Bituin Jr.

1. Sinabi ni Sun Tzu: Ang sining ng digma ay napakahalaga sa Estado.

2. Ito’y paksa ng buhay at kamatayan, daan patungo sa kaligtasan o pagkasira. Kaya ito’y isang paksa ng pagsisiyasat na hindi dapat ipagwalang-bahala.

3. Ang sining ng digmaan, kung gayon, ay ginigiya ng limang palagiang salik, na dapat isaalang-alang na mabuti ng bawat isa, sa paghahanap kung paano tatasahin ang mga kalagayang natatamo sa larangan.

4. Ito’y ang mga sumusunod: (1) Ang Batas Moral; (2) Kalangitan; (3) Kalupaan; (4) Pinuno; (5) Pamamaraan at disiplina.

5.6. Ang Batas Moral ang siyang dahilan upang maging ganap ang unawaan ng mamamayan at ng kanilang pinuno, upang sila’y sumunod sa kanya ng hindi alintana ang kanilang buhay, ng hindi natatakot sa anumang panganib.

7. Ipinahihiwatig ng langit ang gabi at araw, ang lamig at init, ang oras at panahon.

8. Ang kalupaan ay binubuo ng agwat, malaki at maliit; panganib at kaligtasan; lantad na lugar o makitid na daanan; ang pagkakataon sa buhay at kamatayan.

9. Ang pinuno ang sagisag ng magagandang katangian ng katalinuhan, katapatan, kabutihang-loob, kabayanihan at pagkaistrikto.

10. Ang pamamaraan at disiplina ay dapat maunawaang ang pagkakaorganisa ng hukbo sa tamang subdibisyon nito, ang pagsasaayos ng ranggo ng mga opisyal, ang pagmimintena ng mga lansangang daanan ng mga panustos para sa hukbo, at pagrenda sa pagkakagastusang pangmilitar.

11. Ang limang ulong ito’y dapat maging pamilyar sa bawat heneral: silang nakakaalam ng mga ito ay magtatagumpay; silang hindi nakakaalam ng mga ito ay mabibigo.

12. Kung kaya, sa iyong pagwawari-wari, sa pagtuklas upang malaman ang kalagayang pangmilitar, gawin natin itong batayan ng pagtutulad, sa mga matalinong tanong na ito:

13. (1) Sino sa dalawang namumuno ang nagtataglay ng batas Moral?
(2) Sino sa dalawang heneral ang mas may abilidad?
(3) Nakanino nakasalalay ang mga bentaheng hinango mula sa Langit at Lupa?
(4) Sa aling panig mas mahigpit na napapatupad ang disiplina?
(5) Aling hukbo ang mas malakas?
(6) Sa aling panig mas may mataas na kasanayan ang mga opisyal at kawal?
(7) Sa aling hukbo ang mas matining ang gantimpala at parusa?

14. Sa pamamagitan ng pitong pagsasaalang-alang na ito makakalkula ko ang tagumpay o kabiguan.

15. Ang heneral na nakikinig sa aking payo at sumunod dito, ang makalulupig: panatilihin siya! Ang heneral na hindi nakikinig sa aking payo o kaya’y di sumusunod, ang siyang malulupig: tanggalin siya!

16. Habang sumusunod sa aking payo, makinabang na kayo sa anumang makatutulong na kalagayan na higit pa o lampas sa mga ordinaryong patakaran.

17. Sa pagbuti ng kalagayan, dapat na baguhin ninuman ang kanilang mga plano.

18. Ang lahat ng digmaan ay nakabatay sa panlalansi.

19. Alalaong baga, kung kayang sumalakay, dapat makitang hindi kaya; sa paggamit ng ating hukbo, ipakitang tayo’y inaktibo; kapag tayo’y nasa malapit, dapat nating paniwalain ang mga kaaway na tayo’y nasa malayo pa; kung tayo’y nasa malayo, dapat nating papaniwalain ang mga kaaway na tayo’y malapit na.

20. Maglagay ng bitag upang akitin ang kaaway. Magkunwaring may gusot, at durugin sila.

21. Kung siya’y ligtas sa lahat ng antas, paghandaan siya. Kung lamang siya sa lakas, iwasan siya.

22. Kung ang iyong kaaway ay mainitin ang ulo, dapat siyang galitin. Magkunwari kang mahina, upang siya’y magyabang.

23. Kapag siya’y maalwan, huwag siyang pagpahingahin. Kung nagkakaisa ang kanyang hukbo, paghiwalayin siya.

24. Salakayin siya kung saan siya walang paghahanda, lumitaw ka sa di niya inaasahan.

25. Ang mga pamamaraang militar na ito, na tutungo sa tagumpay, ay di dapat ibunyag ng mas maaga sa inaasahan.

26. Ngayon ang heneral na nanalo sa labanan ay gumagawa ng maraming kalkulasyon sa kanilang sentro bago ilunsad ang labanan. Ang heneral na natalo sa labanan ay gumawa ng kaunting kalkulasyon lamang. Kung kaya ang maraming kalkulasyon ay tutungo sa tagumpay, at ang kaunting kalkulasyon ay mabibigo: ano pa kaya kung wala nang anumang kalkulasyong isinagawa! Sa pagbibigay-pansin sa ganitong punto, nakikinita ko kung sino ang malamang na manalo o matalo.

Walang komento: